Ehekutibong sangay

Ang ehekutibong sangay, tagapagpaganap o sangay na tagapagpatupad (Ingles: executive branch) ng isang pamahalaan ang bahagi ng pamahalaan na may nag-iisang kapangyarihan o responsibilidad sa pang-araw araw na pangangasiwa ng burokrasya ng estado. Ang paghahati o dibisyon ng kapangyarihan sa magkakahiwalay na mga sangay ng pamahalaan ang sentral na ideya sa separasyon ng mga kapangyarihan.

Ang sistema ng separasyon ng mga kapangyarihan ay nilikha upang ipamahagi ang kapangyarihan mula sa ehekutibong sangay na isang pagtatangka upang maingatan ang indibidwal na kalayaan bilang tugon sa isang pamumunong malupit sa buong kasaysayan. Ang opiser na ehekutibo ay hindi nararapat gumawa ng batas na isang tungkulin ng lehislatura o pakahulugan ang mga batas na tungkulin ng hudikatura. Ang tungkulin ng ehekutibo ay ipatupad ang batas gaya ng isinulat ng lehislatura at pinakahulugan ng hudikatura.

Ang mga tungkulin ng pinakamataas na pinuno ng ehekutibong sangay ay kinabibilangan ng:

  • pagiging pinuno ng pamahalaan na nagpapalakad ng katungkulan ng estado, pangangasiwa ng burokrasya at pagpapasya kung paano ipatutupad ang batas.
  • Kalihim pandayuhan na nangangasiwa sa mga embahador ng estado, pangangasiwa at pagtukoy ng mga patakarang pandayuhan
  • Hepeng komander(commander in chief) na nangangasiwa sa pwersang sandatahan ng estado at pagtukoy ng mga patakarang pangmilitar.

Sa sistemang pampanguluhan (presidential), ang pinuno(pangulo) ng ehekutibong sangay ang sabay na pinuno ng estado at pinuno ng pamahalaan. Sa mga sistemang parliamentaryo, ang punong ministro na pinuno ng gabinete ang siya ring pinuno ng pamahalaan samantalang ang isang seremonyal na monarko(hari o reyna) o sa isang pangulo ang pinuno ng estado.


© MMXXIII Rich X Search. We shall prevail. All rights reserved. Rich X Search