Matinding Depresyon

Huwag itong ikalito sa pangsikolohiyang klinikal na panlulumo.
Ang larawang may pamagat na Migrant Mother o "Inang Dayo" ni Dorothea Lange ang naglalarawan ng mga naghihikahos na tagapag-ani ng mga gisantes sa California, na tumutuon kay Florence Owens Thompson, edad 32, isang ina ng pitong mga bata, sa Nipomo, California, Marso 1936.

Ang Matinding Panlulumo, Masidhing Panlulumo, o Dakilang Depresyon na kilala sa Ingles bilang Great Depression o Depression of the 1930's (Ang Panlulumo noong Dekada ng 1930)[1] ay ang malawakang krisis na pang-ekonomiyang nagsimula dahil sa Pagbagsak ng Wall Street noong 1929 (pagbagsak ng pamilihan ng mga kabahaging puhunan) sa Estados Unidos.[2], at nakaapekto sa ibang mga bansa. Ang mga presyo sa pamilihan ng mga kabahaging puhunan sa Wall Street ay malakihan ang naging pagbulusok mula Oktubre 24 hanggang 29 Oktubre 1929. Maraming mga tao ang nawalan ng trabaho. Sa pagsapit ng 1932, 25–30% ng mga tao ang nawalan ng mga hanapbuhay.[3] Naging mahirap sila at nawalan ng mga tirahan. Ito ang nagwakas sa kayamanan ng Dumadagundong na Dekada 1920 (Roaring Twenties). Maraming mga tao ang nag-iisip na ang Matinding Panlulumo ay nagsimula noong Maitim na Martes, subalit ang Maitim na Martes ay isa lamang nakapailalim na suliranin na tutulong sa pagdurulot ng Panlulumo.

Magmula 1929–1932, mas lalong lumala ang depresyon. Marami ang naghihinala na ang pagtaas ng halaga ng buwis sa mga mamamayang Amerikano at ang pagtataas ng mga taripa (mga buwis sa mga bansang nakikipagkalakalan sa Estados Unidos) ang nagpalala rito. Sinabi ng ekonomistang si Milton Friedman na ang Matinding Panlulumo ay lumala dahil naglimbag ng mas kakaunting salapi ang Reserbang Pederal kaysa pangkaraniwan.

Nang magsimula ang Matinding Panlulumo, si Herbert Hoover ang pangulo ng Estados Unidos, at bilang resulta, siya ang sinisi rito. Naghalal ang mga tao ng bagong pangulo noong 1932. Si Franklin D. Roosevelt ang naging bagong pangulo ng Estados Unidos. Nagawa ni Roosevelt na magpasa ang pamahalaan ng maraming bagong mga batas at mga programa o palatuntunan upang matulungan ang mga taong nasaktan ng Matinding Panlulumo. Ang mga programang ito ay tinawag na Bagong Kasunduan (New Deal). Isa sa mga palatuntunang ito ang Civilian Conservation Corps (CCC) o "Hukbo ng Konserbasyong Sibilyano". Naglagay ang CCC ng maraming kabataang mga lalaki na magtatrabaho sa labas ng mga gusali. Binayaran ang mga lalaking ito ng 1 dolyar bawat linggo upang maghanapbuhay, at nakatanggap sila ng libreng pagkain at matutuluyan. Isa pa sa mga programang ito ay ang Segurong Sosyal, na nagbigay sa matatandang mga tao ng maliit na kita upang mayroon silang pera para sa mga bagay na kailangan nila. Napakasama talaga ng Matinding Panlulumo, subalit dahil sa tulong ng bawat isang tao, magiging mainam ang katayuan. Sa pagitan ng 1939 at ng 1944, mas maraming mga tao ang muling nagkaroon ng pagkakakitaan dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at sumapit ang wakas ng Matinding Panlulumo.

  1. "Depression of the 1930's". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Dictionary Index, titik D, pahina 384.
  2. "Great Depression — FactMonster.com". factmonster.com. Nakuha noong 13 Mayo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Great Depression (economy) -- Britannica Online Encyclopedia". britannica.com. Nakuha noong 13 Mayo 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

© MMXXIII Rich X Search. We shall prevail. All rights reserved. Rich X Search