Hilagang Korea

Demokratikong Republikang Bayan ng Korea
  • 조선민주주의인민공화국 (Koreano)
  • Chosŏn Minjujuŭi Inmin Konghwaguk (MR)
Watawat ng Hilagang Korea
Watawat
Emblema ng Hilagang Korea
Emblema
Salawikain: 강성대국
Kangsŏngtaeguk
"Bansang Malakas at Maunlad"
Kabisera
at pinakamalaking lungsod
Pyongyang
39°2′N 125°45′E / 39.033°N 125.750°E / 39.033; 125.750
Wikang opisyal
at pambansa
Koreano
KatawaganKoreano
Hilagang Koreano
PamahalaanUnitaryong Jucheistang unipartidistang sosyalistang republika sa ilalim ng namamanang totalitaryong diktadura
Kim Jong-un
• Tagapangulo ng Permanenteng Komite ng KAB
Choe Ryong-hae
• Premiyer ng Gabinete
Kim Tok-hun
• Tagapangulo ng KAB
Pak Thae-song
LehislaturaKataas-taasang Asembleyang Bayan
Pagkakabuo
Oktubre 3, 1945
Pebrero 8, 1946
Pebrero 22, 1947
Setyembre 9, 1948
Disyembre 27, 1972
Lawak
• Kabuuan
120,540 km2 (46,540 mi kuw) (ika-97)
• Katubigan (%)
0.11
Populasyon
• Pagtataya sa 2021
25,971,909 (ika-55)
• Senso ng 2008
24,052,231
• Densidad
212/km2 (549.1/mi kuw) (ika-45)
KDP (PLP)Pagtataya sa 2015
• Kabuuan
$40 bilyon
• Bawat kapita
$1,800
KDP (nominal)Pagtataya sa 2017
• Kabuuan
$30 bilyon
• Bawat kapita
$1,300
SalapiWon ng Hilagang Korea (₩) (KPW)
Sona ng orasUTC+9 (Oras ng Pyongyang)
Kodigong pantelepono+850
Internet TLD.kp

Ang Hilagang Korea (Koreano: 북조선; MR. Pukchosŏn), opisyal na Demokratikong Republikang Bayan ng Korea, ay bansang matatagpuan sa Silangang Asya na sakop ang hilagang kalahati ng Tangway ng Korea. Hinahangganan ito ng Tsina at Rusya sa mga ilog ng Yalu at Tumen ayon sa pagkabanggit sa hilaga, Dagat Hapon sa silangan, Dagat Dilaw sa kanluran, at Timog Korea sa Sonang Demilitarisado ng Korea. Sumasaklaw ito ng lawak na 120,538 km2 at may tinatayang populasyon na mahigit 26 milyon.Ang kabisera at pinakamalaking lungsod nito ay Pyongyang.

Nang sumuko ang Imperyo ng Hapon noong 1945 sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nahati ang Korea sa dalawa sa kahabaan ng ika-38 hilera. Ang hilagang lugar ay sinakop ng Unyong Sobyetiko habang ang timog ay sinakop ng Estados Unidos. Nabigo ang mga negosasyon para sa muling pagkakaisa ng dalawang lugar, at noong 1948 ay nabuo ang sosyalistang Republikang Bayang Demokratiko ng Korea sa hilaga ng tangway, sa kaibahan ng kapitalistang Republika ng Korea sa timog. Nagsimula ang Digmaang Koreano noong 1950 nang sinalakay ng Hilagang Korea ang Timog, at tumagal ito hanggang 1953 na nagresulta sa pagkapatas. Ang Kasunduang Pang-armistisyo ng Korea ay nagdulot ng tigil-putukan at nagtatag ng isang sonang desmilitarisado sa tangway, ngunit walang pormal na tratadong pangkayapaan na nilagdaan, kaya't ang dalawang Korea ay de factong nasa digmaan hanggang sa kasalukuyan. Pagkatapos ng digmaan ay muling itinayo ang bansa sa ilalim ng isang industriyalisadong ekonomiyang planado. Sa huling bahagi ng mga 1950 at noong mga 1960 at 1970 ay nagtamasa ang Hilagang Korea ng mas mataas na antas ng pamumuhay kaysa sa Timog Korea, na noo'y dumaranas ng kaguluhan sa politika at mga krisis sa ekonomiya. Gayunpaman, ang sitwasyon ay nabaligtad noong dekadang 1980 nang naging matibay na kapangyarihang pang-ekonomiya ang Timog dahil sa panloobang pag-unlad at pamumuhuna't ayudang militar mula Estados Unidos at Hapon, habang ang Hilagang Korea ay tumimik at nanghina. Lubos na naapektuhan ang ekonomiya ng Hilagang Korea noong nabuwag ang Unyong Sobyetiko at mga estadong komunista sa Silangang Bloke. Dahil dito, nagkaroon ng malawakang taggutom sa bansa noong 1994 hanggang 1998 na naging sanhi ng tinatayang 240 libo hanggang 3.5 milyong pagkamatay. Patuloy na dumadaranas ang bansa ng malnutrisyong laganap. Naging bahagi ang Hilagang Korea ng Nasyones Unidas noong 1991, at kabilang rin sa iba't-ibang organisasyong pandaigdig tulad ng Grupo ng 77, Kilusang Di-Nakahanay, at Porong Rehiyonal ng Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya.

Ayon sa Artikulo 1 ng saligang batas ng bansa, ang Hilagang Korea ay isang "estadong sosyalistang may kasarinlan", at sa Artikulo 3 nakasaad na ang Juche ang ideolohiyang pampamahalaan ng Hilagang Korea. Ang mga moda ng produksyon ay pag-aari ng estado sa pamamagitan ng mga negosyong pinamamahalaan ng pamahalaan at sakahang kolektibo. Karamihan sa mga paglilingkod kagaya ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, pabahay, at produksyon ng pagkain ay tinutustusan o pinopondohan ng estado. Sumusunod din ang bansa sa ideolohiyang Songun, ang patakarang "una-militar" ng Hilagang Korea. Ang hukbong tungkuling aktibo nito na binubuo ng halos 1.28 milyong sundalo ay higit 5% ng populasyon ng bansa at ang ikaapat na pinakamalaki sa mundo. Mayroon din ito ng higit 7.769 milyong tauhang aktibo, nakalaan, at paramilitar, halos 30% ng populasyon ng bansa at ang ikalawang pinakamataas na tauhang militar at paramilitar sa buong daigdig. Mayroon ang bansa ng mga sandatang biyolohiko, kimiko, at isa sa iilang bansang mayroon ng mga sandatang nukleyar. Tinatayang mayroon ang Hilagang Korea ng higit 30 hanggang 40 nito.

Ang Hilagang Korea ay isang namamanang diktadurang totalitaryo na pinamumunuan ng dinastiyang Kim. Bagama't mayroong nagaganap na mga halalan sa bansa, itinuturing ito ng mga dayuhang tagapagmasid bilang huwad. Ang Partido ng mga Manggagawa ng Korea, na pinamumunuan ng isang kasapi ng naghaharing pamilya, ay ang partidong nangingibabaw at namumuno ng Demokratikong Hanay para sa Muling Pag-iisa ng Amang Bayan, kung saan ang lahat ng opisyal sa politika ay kinakailangang maging kasapi. Ang talaan ng pang-aabuso ng mga karapatang pantao sa Hilagang Korea, na tinatanggi ng pamahalaan, ay madalas na itinuturing bilang ang pinakamasama sa mundo. Ito ay kinokondenang internasyonal ng mga organisasyon tulad ng Nasyones Unidas, Unyong Europeo, at mga grupo tulad ng Human Rights Watch (Filipino: Obserbatoryo ng Karapatang Pantao) at Amnesty International (Filipino: Amnestiyang Pandaigdig). Dahil sa pamamahalang dinastiko at paghihiwalay nito sa mundo, tinutukoy ang bansa na "ermitanyong kaharian". Ang panimula ng saligang batas ng bansa ay tumutukoy kina Kim Il-sung at Kim Jong-il, ang una at ikalawang kataas-taasang pinuno ng bansa ayon sa pagkabanggit, bilang mga walang hangganang pinuno ng Jucheng Korea. Dahil dito, isinasaalang-alang ang bansa ng ibang akademiko't kritiko bilang isang estadong teokratiko.


© MMXXIII Rich X Search. We shall prevail. All rights reserved. Rich X Search